DENNIS JAMITO

Just another WordPress.com weblog

Ampatuan, Maguindanao massacre timeline

November 23, 2009: Araw ng Maguindanao massacre

Mula ng makatanggap ng death threat o pagbabanta sa buhay si dating Buluan Vice Mayor at ngayon ay Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu nagdesisyon ito na ang kaniyang maybahay na si Genalyn Mangudadatu at mga kamag-anak ang maghain ng kaniyang certificate of candidacy sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Shariff Aguak, Maguindanao kasama ang kaniyang abogado, supporters at 33 mamahayag.

Alas 9:00 ng umaga

Nakatanggap umano ng impormasyon si S/Supt. Abusama Maguid, officer-in-charge ng Maguindanao police provincial office na may bomb threat sa national highway ng Sitio Malating, Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao.

Pagitan ng alas 9:00-10:00 ng umaga

Batay sa police report, walong mga sasakyan na convoy ng mga Mangudadatu ang nakarating sa Barangay Salman patungong Shariff Aguak. Pagdating sa lugar ay pinatigil sa checkpoint ang convoy ng mga miyembro ng Maguindanao police at Civilian Volunteer Organizations (CVO) sa naturang highway. Dito na nagsimula ang umano’y abduction sa mga biktima. Ang checkpoint ay pinangunahan ni Insp. Saudi Mukamad ng 1507th RMG, at dinala ang convoy sa mataas na bahagi ng lugar na may layong mahigit sa dalawa at kalahating kilometro mula sa highway.  Sa mga oras ding ‘yon nakatanggap ng tawag si Toto Mangudadatu mula sa maybahay nito na nagsasabing hinarang sila ng pamilya Ampatuan habang patungo sana ng bayan ng Shariff Aguak. Pinakahuling binitawang salita umano ng maybahay ni Mangudadatu ang pagpalunok sa kaniya ng certificate of candidacy forms na dala nito habang nakapaligid sa kaniya ang mga armadong kalalakihan.

Alas 10:15 ng umaga – Ayon sa report muling nakatanggap ng ulat si S/Supt. Maguid mula kay C/Insp. Sukarno Dicay na may bomb threat sa kahabaan ng national highway ng Sharrif Aguak at Ampatuan.

Alas 11:00 ng umaga – Nakatanggap ng impormasyon ang 64th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army na ang convoy umano ng mga sibilyan ay dinukot ng mga armadong lalaki sa national highway kung kaya’t agad silang naglunsad ng rescue operation.

Alas 11:30 ng umaga -Nagsagawa ng pag-imbestigasyon o inspeksiyon si S/Supt. Maguid sa Sitio Malating na malapit sa portion ng national highway.

Alas 1:00 ng hapon – Dumating ang tropa sa Barangay Salman at doon nakaharap nila si C/Insp. Dicay, na nangunguna sa tropa upang magsagawa ng checkpoints sa lugar kasabay sa pahayag na wala umano itong impormasyon hinggil sa ulat na may nangyaring abduction.

Alas 1:30 ng hapon – Tinungo ng tropa ng 64th IB ang sinasabing lugar na siyang pinagdalhan ng mga dinukot na mga sibilyan. Habang nagpapatrolya ang tropa namataan ng mga ito ang dalawang armadong lalaki na may M-16 rifle at 12-gauge shotgun at sinabing miyembro umano ng Ampatuan at Maguindanao CVO. Kinilala ang dalawa na sina Esmail Canapia at Takpan Dilon. Dahil sa hindi magkatugma na ulat nila at sa pahayag ng apat na mga police officers na sina Maguid, Dikay, Bakal, at S/Insp. Rex Diongon, agad nilang ipinag-utos na restricted sa ARMM police headquarters ang mga ito habang patuloy ang imbestigasyon.

Alas 2:00 ng hapon – Natagpuan ng nagpapatrolyang tropa ang crime scene o ang surface nito habang nagsagawa ng on-foot search.

Alas 3:00 ng hapon – Tinungo ni Buluan Mayor Jong Mangudadatu, lulan ng private chopper ang lugar kung saan hinanap ang nawawalang kaanak. Doon namataan na ang maraming mga sasakyan sa lugar. Sa oras na ‘yon nasa 21 mga bangkay na kabilang ang 15 kababaihan at anim na kalalakihan ang natagpuan ng tropa ng 64th IB. Ilang oras ang nakalipas ilan pang bangkay ang natagpuan malapit sa isang tulay. Dito natagpuan din ng militar ang limang katao kabilang ang apat na sasakyan na Toyota van at sports utility vehicle sa crime scene. Ilan pa sa kanilang mga nakita ang personal na kagamitan, assorted empty shells ng mga matataas na kalibre ng armas at mga dokumento.  Agad namang kinordon ang lugar sa pamumuno ni Dir. Caro, upang ma-ipreserba ang crime scene bilang paghahanda sa pagdating ng PNP-Scene of the Crime Operatives (PNP-SOCO) team para sa imbestigasyon.

Alas 6:00 ng gabi – Nagsindi ng kandila at nag-alay ng panalangin para sa mga biktima ang lahat ng mga empleyado ng Bombo Radyo Philippines sa pangunguna ng Bombo Radyo Koronadal sa kanilang himpilan kung saan ramdam ang pighati at lungkot para kay Bombo Bart Maravilla, ang chief of reporter ng Bombo Radyo Koronadal.

Alas 8:00 ng gabi – Dumating ang SOCO teams mula sa PRO-12 sa crime scene at sinimulan ang imbestigasyon sa 22 mga bangkay. Kaugnay nito agad ipinag-utos ni dating president at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa militar at police ang agarang paghuli sa mga may kagagawan sa malagim na krimen. Sa isang kalatas, inatasan ni Arroyo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ni acting Defense Sec. Norberto Gonzales at police sa pamamagitan ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na agad i-secure ang lugar.

Nobyembre 24, 2009

Isang araw matapos ang Maguindanao massacre ipinag-utos ni dating Presidente Arroyo ang pagsailalim sa lalawigan ng Maguindanao, Sultan Kudarat at Cotabato City sa state of emergency batay sa Presidential Proclamation 1946. Sinimulan din ang paghuhukay sa mga bangkay ng 57 katao. Muling nagsindi ng kandila ang mga empleyado ng Bombo Radyo alas 6:00 ng gabi habang umaasang nakaligtas ang napasamang chief of reporter ng Bombo Radyo Koronadal na si Bombo Bart sa Maguindanao massacre. Bigo namang makita ang bangkay ni Bombo Bart sa lugar na pinangyarihan ng malagim na krimen.

Nobyembre 25, 2009

Muling naghukay sa pangalawang butas ang investigation team at doon narekober ang tatlong sasakyan at anim na mga bangkay. Sa grave site umaabot sa tatlo at limang mga bangkay na naman ang natagpuan kung saan sa kabuuan ay nasa 56 katao.  Muling bumalik ang Bombo Radyo Koronadal at Bombo Radyo Gensan reporters sa Ampatuan Maguindanao para sa ikatlong araw ng paghuhukay at doon na narekober sa pinakahuling hukay ang bangkay ni Bombo Bart at dinala sa lungsod ng Koronadal kinagabihan. Hiniling ng Kapisanan ng mga Broadkaster ng Pilipinas (KBP) sa mga media practitioners ang pagsuot ng black armbands o ribbons bilang tanda ng protesta.
Naglabas ang DoJ ng Department Order 935 upang pangunahan ang imbestigasyon sa masaker.  Tinungo ng DOJ officials sa pangunguna ni acting Justice Secretary Agnes Devanadera ang lalawigan ng Maguindanao.  Naglabas ng listahan ang Bombo Radyo Philippines sa mga pangalan ng media practitioners na biktima ng Maguindanao massacre;

1. Adolfo, Benjie – Gold Star Daily, Koronadal City
2. Araneta, Henry – Radio DZRH, General Santos City
3. Arriola, Mark Gilbert “Mac-Mac” – UNTV, General Santos City
4. Bataluna, Rubello – Gold Star Daily, Koronadal City
5. Betia, Arturo – Periodico Ini, General Santos City
6. Cabillo, Romeo Jimmy – Midland Review, Tacurong City
7. Cablitas, Marites – News Focus, General Santos City
8. Cachuela, Hannibal – Punto News, Koronadal City
9. Cadagdagon, Jepon – Saksi News. General Santos City.
10. Caniban, John – Periodico Ini, General Santos City
11. Dalmacio, Lea – Socsargen News, General Santos City
12. Decina, Noel – Periodico Ini, General Santos City
13. Dela Cruz, Gina – Saksi News, General Santos City
14. Duhay, Jhoy – Gold Star Daily, Tacurong City
15. Evardo, Jolito – UNTV, General Santos City
16. Gatchalian, Santos – DXGO, Davao City
17. Legarte, Bienvenido, Jr. – Prontiera News, Koronadal City
18. Lupogan, Lindo – Mindanao Daily Gazette, Davao City
19. Maravilla, Ernesto “Bart” – Bombo Radyo, Koronadal City
20. Merisco, Rey – Periodico Ini, Koronadal City
21. Momay, Reynaldo “Bebot” – Midland Review, Tacurong City (still missing)
22. Montaño, Marife “Neneng” – Saksi News, General Santos City
23. Morales, Rosell – News Focus, General Santos City
24. Nuñez, Victor – UNTV, General Santos City
25. Perante, Ronnie – Gold Star Daily correspondent, Koronadal City
26. Parcon, Joel – Prontiera News, Koronadal City
27. Razon, Fernando “Rani” – Periodico Ini, General Santos City
28. Reblando, Alejandro “Bong” – Manila Bulletin, General Santos City
29. Salaysay, Napoleon – Mindanao Gazette, Cotabato City
30. Subang, Ian – Socsargen Today, General Santos City
31. Teodoro, Andres “Andy” – Central Mindanao Inquirer, Tacurong City
32. Tiamson, Daniel – UNTV, General Santos City

Nobyembre 26, 2009

Nagtungo si Presidential Adviser Jesus Dureza sa bahay ng mga Ampatuan upang isuko si Andal Ampatuan Jr. na suspek sa krimen sa Shariff Aguak patungong General Santos City at isinailalim sa inquest proceedings ni Acting Justice Secretary Agnes Devanadera.

Nobyembre 26-Nobyembre 29, 2009

Ilang pang miyembro ng pamilya Ampatuan ang naaresto, habang pinasara naman umano ang maraming mga local government offices sa lalawigan ng Maguindanao. Ilang mga prosecutors nagsialisan dahil sa takot kay dating Maguindanao Governor Ampatuan Sr.

Nobyembre 29, 2009 hanggang Disyembre 3, 2009

Nagsimula ang movement ng rebeldeng grupo na mga tauhan umano ng pamilya Ampatuan na umaabot sa mahigit sa 2,400 na mga armado. Sa impormasyon ng PRO-12 team nasa 500 rebelde na may dalawang armored vehicles ang inihanda umano ng angkan ng mga Ampatuan sa mga bayan sa Ampatuan at Mamasapano.  Sinasabing mahigit sa 200 armado ang nakaposisyon sa Magonoy, Shariff Aguak. Habang mahigit sa 80 mga armadong rebelde rin ang nakaposisyon sa Tuka, Mamasapano at ilang bayan sa lalawigan. Nakapuwesto rin umano ang mga armadong tauhan ng mga Ampatuan sa mga bayan ng Shariff Aguak, Datu Piang, Datu Unsay, Datu Saudi-Ampatuan, Datu Salibo, Shariff Saydona Mustapha, Rajah Buayan, General S.K. Pendatun, Mamasapano, Datu Hoffer Ampatuan, Datu Anggal Matimbang, Talayan, Talitay, Guindulungan at Sultan sa Barongis.

Nobyembre 27, 2009 – Naghain si Vice Mayor Esmael ‘Toto” Mangudadatu ng kaniyang certificate of candidacy para sa pagka-governor ng Maguindanao.

Nobyembre 28, 2009 – Sinampahan ng gobyerno  ng multiple murder case si Andal Ampatuan Jr.

Disyembre 1, 2009

Inihain ang multiple murder case sa Regional Trial Court (RTC) Branch 15 sa Cotabato City. Sinampahan ng DOJ ng 25 counts of murder si Andal Ampatuan Jr.

Disyembre 2, 2009

Narekober ang sangkaterbang mga armas at mga bala sa bakanteng lote na mahigit sa 500 metro mula sa mansion ni Maguindanao Governor Ampatuan Sr.

Disyembre 3, 2009

Nagpatawag ng press conference si dating PNP chief Director General Jesus Verzosa sa Camp Crame kung saan nasa 60mm mortar ang narekober mula sa bahay ni Andal Ampatuan Jr., Maguindanao Gov. Ampatuan Sr. at Akman Ampatuan batay sa arrest warrant na inisyu ni Judge Francis Palmones ng Kidapawan City Regional Trial Court.

Disyembre 4, 2009

Umaga pa lamang ay nagsagawa na ng raid ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at AFP sa loob ng mansion ng mga Ampatuan. Narekober ng mga ito batay sa report ng PRO-12 sa mansion ni Andal Jr. sa Shariff Aguak ang apat 9mm pistols; pitong caliber-45 pistols; 20 high powered firearms; barrel ng 15 sniper rifles; tatlong M16 machine guns; isang 90-millimeter recoilless rifle; apat na 60-millimeter mortars; isang 81-millimeter mortar; masobra sa 100 libong assorted ammunition at magazines; Uniforms ng AFP at PNP; Armored vehicles na may caliber-guns at machine guns.

Disyembre 5, 2009

Idineklara ang martial law sa Maguindanao. Kasabay nito, nag-isyu si dating Presidente Arroyo ng Proclamation No. 1959, upang isailalim sa state of martial law ang Maguindanao.  “Based on Proclamation 1959, we are here to formally take over the provincial capitol. By the time, all municipal halls have been secured by the armed forces and police forces in order to ensure that these facilities will be secure,” ang anunsiyo ni Lt. Gen. Raymundo Ferrer, AFP Eastern Mindanao Command chief.  Isinagawa ang warrantless arrest sa Ampatuan clan kung saan kabilang sa mga inaresto ay sina Maguindanao Gov. Ampatuan Sr., ARMM Gov. Zaldy Ampatuan, Maguindanao Vice Gov. Akmad Ampatuan Sir, Shariff Aguak Mayor Anwar Ampatuan at sangguniang bayan member ng Shariff Aguak Cahoner Ampatuan.  Kabilang din sa naarestong local officials sina Paisal Sulaik, sangguniang bayan member ng Shariff Aguak; Keise Usman, regional secretary ng agriculture sa ARMM at Kabuntalan Emblawa, regional environment secretary ng ARMM. Habang dinala naman sina Ampatuan Sr. at Zaldy Ampatuan sa Davao City at General Santos City.

Disyembre 6, 2009

Inihatid sa huling hantungan ang senior reporter ng Bombo Radyo Koronadal na si Bombo Bart Maravilla sa Green Valley Eternal Garden sa lungsod ng Koronadal. Kasabay nito, maraming tao ang nakiramay kabilang ang mga taga-hanga, kaibigan, kamag-anak at mga taga-pakinig ng Bombo Radyo Koronadal ang nagpaabot ng kanilang pakikidalamhati sa sinapit ng kaniyang pamilya at marami pang mga biktima.

Disyembre 8, 2009 – Ipinag-utos ng Supreme Court (SC) ang paglipat ng trial venue mula sa Cotabato City sa Quezon City.

Disyembre 9, 2009 – Ang Senado at mababang kapulungan ng Kongreso ay nag-convene para sa pag-revoke ng Proclamation No. 1959.

Disyembre 21, 2009 – Inihain ang 16 na informations sa RTC Branch 221 ng Quezon City.

Disyembre 23, 2009 – Isinagawa ang madamdaming ika-unang buwan ng Maguidandao massacre. Maraming aktibidad ang isinagawa gaya ng seremonya at programa.

Enero 5, 2010

Nag-plead not gulity si Andal Ampatuan Jr. sa unang pagdinig sa Quezon City na siyang may kagagawan umano sa pagpatay ng 58 katao sa Ampatuan, Maguindanao. Ibinasura ng judge na may hawak sa kaso ang aplikasyon nito para sa release on bail matapos ang pagdinig sa 12 mga testigo.

Enero 13, 2010

Isinagawa ang pangalawang pagdinig habang nanatili pa rin sa kulungan si Andal Ampatuan Jr. Naisampa na ang 56 na kaso sa tatlong mga batch bago ang itinakdang susunod na pagdinig.

Enero 23, 2010

Muling nagtipon ang mga kaanak ng mga biktima sa Maguindanao massacre sa iba’t ibang mga sementeryo sa lalawigan ng South Cotabato at Sultan Kudarat. Nagpalipad ng mga balloons ang mga kaanak, nag-alay ng bulaklak, nagsindi ng kandila at panalangin.

Pebrero 23, 2010

Sa ikatlong buwan anibersaryo ng karumaldumal na krimen, lumabas ang mga bali-balitang milyun-milyong piso ang inaalok sa ilang mga pamilya ng mga biktima mula sa angkan umano ng mga Ampatuan na pangunahing akusado sa krimen.

Marso 3, 2010

Mahigit 100 mga balloons ang pinakawalan ng mga kaanak ng mga biktima sa Maguindanao massacre kasama ang National Union Journalist of the Philippines (NUJP) sa Mindanao para sa ika-100 araw matapos maganap ang November 23 na Ampatuan massacre.

Marso 23, 2010

Muling ginunita ang ika-apat na buwan ng Maguindanao massacre kung saan nagsindi ng kandila at nag-alay ng panalangin ang mga kaanak sa Mindanao. Habang ipinagpaliban na muna ang kanilang pagbisita sa massare site sa Sito Masalay, Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao dahil sa seguridad.

Abril 23, 2010

Ipinagpaliban muli ang planong pagbisita sa massacre site ng mga kaanak ng mga biktima sa Maguindanao massacre dahil sa problema sa seguridad. Umaasa naman si Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu na mananalo bilang gobernador ng lalawigan para sa nalalapit na halalan.

Mayo 10, 2010

Nagiging mainit ang halalan sa lalawigan ng Maguindanao ilang mga kaanak ng mga biktima sa masaker ang umaasang makakatulong ang pagkapanalo ni Maguindanao Gov. Esmael ‘Toto’ Mangudadatu sa pag-usad ng kaso.

Mayo 23, 2010

Sa pinakaunang pagkakataon nagsagawa ng konsyerto sa Press Freedom Monument sa Cagayan de Oro City ang Cagayan de Oro Press Club kasama ang National Union Journalist of the Philippines (NUJP) bilang paggunita sa ika-anim na buwan ng Maguindanao massacre. Ayon sa NUJP kanilang kinokonsidera ang seguridad kung kaya’t ipinagpaliban na muna ang pagbisita ng mga ito sa lugar upang magsagawa sana ng mga seremonya gaya na lamang ng pag-aalay ng panalangin at pagsisindi ng kandila para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Hunyo 08, 2010

Binatikos si Justice Secretary Alberto Agra dahil sa kaniyang desisyon sa kaso ng Maguindanao massacre na mistulang nagpabor kay ARMM Gov. Zaldy Ampatuan subalit lumambot din sa huli.

Hunyo 14, 2010 – Pinatay ang pangunahing testigo ng prosekusyon na si alyas Jessie.

Hunyo 23, 2010

Halos mawalan na ng pag-asa ang ilang mga kaanak ng biktima sa Maguindanao massacre dahil sa sangkaterbang mosyon ng mga kampo ng mga Ampatuan. Ginunita ang ika-pitong buwan ng masaker.

Hulyo 23, 2010

Isang candle lighting ceremony ang isinagawa alas-sais ng gabi ng iba’t ibang grupo ng media at organisasyon bilang paggunita sa ika-walong buwan ng pagkamatay ng 57 katao sa malagim na masaker sa Sitio Masalay, Brgy. Salman, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009. Kabilang sa nanguna sa aktibidad ay ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Kidapawan chapter, Mindanao Press Corps, Cotabato Press Club at iba pang miyembro ng civil society organizations sa South Central Mindanao sa Kidapawan City.

Agosto 08, 2010

Unang lumutang ang pulis na kabilang sa Maguindanao massacre na si dating PO1 Narkouk Duloan Mascud.

Agosto 23, 2010

Ginunita ang ika-siyam na buwan ng Ampatuan massacre, binisita ng mga pamilya ng mga biktima ang mga puntod ng kanilang mga kamag-anak na namatay sa Koronadal at General Santos City, South Cotabato at Tacurong City sa Sultan Kudarat upang mag-alay ng panalangin, bulaklak at magsindi ng kandila

Agosto 24, 2010

Inaprubahan ang occular visit sa Camp Lira, General Santos City kinabukasan upang kunan ng larawan ang mga nakatagong baril, sasakyan at backhoe na magsisilbing ilan sa mga ebidensiya sa pagdinig ng kaso.

Setyembre 23, 2010

Ginunita ang ika-10 buwan ng Maguindanao na pinagunahan ng Justice Now Movement sa Mindanao at maging sa Mendiola bridge sa Maynila.

Oktubre 23, 2010

Pinangunahan ng grupong Justice Now Movement (JNM) ang isinagawang candle lighting sa roundball ng lungsod ng Koronadal bilang paggunita sa ika-11 buwan mula ng mangyari ang Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009. Hustisya rin ang sigaw ni Ivy Maravilla, ang may bahay ni Bombo Bart Maravilla para sa kanyang asawa at sa iba pang naging biktima ng nangyaring masaker dahil hindi pa nahahatulan ang mga akusado.

Oktubre 27, 2010

Bigong makadalo sa pagdinig ng Maguindanao massacre case sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang pangunahing suspek na si Andal Ampatuan Jr. dahil sa umano’y pagsakit ng tiyan nito.

Oktubre 28, 2010

Hiniling ng PNP sa Department of Justice (DoJ) na mailipat na sa Metro Manila ang pangunahing ebidensiya gaya ng baril na umano’y ginamit sa Maguindanao massacre na sinasabing pagmamay-ari ng mga Ampatuan na pangunahing akusado sa krimen. Ayon kay PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo, makikiusap silang muli sa DoJ upang mailipat na ang mga bala at baril na ibinaon sa Maguindanao matapos ang malagim na krimen.

Nobyembre 10, 2010 – Nasa 28 akusado sa Ampatuan massacre case ang nag-plead ng not guilty.

Nobyembre 12, 2010

Isang development sa kaso ng Maguindanao massacre ang paglantad ni dating Sultan sa Barongis Vice Mayor Sukarno Badal na sangkot sa pagpatay ng 58 katao noong Nobyembre 23, 2009 sa Ampatuan, Maguindanao. Sa panayam ng Bombo Radyo kay Maguindanao Gov. Esmael “Toto” Mangudadatu ikinatuwa nito ang paglutang ni Badal upang ihayag ang mga nalalaman lalo na’t nandoon umano ito mismo nang naganap ang masaker.

Nobyembre 15, 2010 – Mananatili muna si dating vice mayor ng Sultan sa Barongis na si Sukarno Badal sa custody ng militar.

Nobyembre 16, 2010

Magiging dalawang beses na sa isang linggo ang gagawing pagdinig ng Quezon City Regional Trial Court (QRCRTC) na may hawak sa kasong multiple murder case kaugnay sa Maguindanao massacre simula sa buwan ng Disyembre. Ito ang naging tugon sa matagal na inaasam-asam na hustisya at hiling ng mga kaanak na biktima ng masaker sa Department of Justice (DoJ) para mapabilis ang pagresolba sa kaso.

Nobyembre 18, 2010

Naglabas ng statement ang pamunuan ng Kapisanan ng mg Broadcasters ng Pilipinas (KBP) sa pamumuno ni KBP National President Herman Z. Basbaño para sa gagawing moment of silence ng mga KBP members stations sa buong bansa sa Nobyembre 23 para sa unang taong anibersaryo.

Nobyembre 22, 2010

Naghain ang ilang media organizations, aksama ang National Press Clup (NPC) ng petisyonsa Korte Suprema na nanawagan na bumubuo ng special court na didinig lamang sa Maguindanao massace case.

Nobyemre 23, 2010

Unang taon ng Maguindanao massace, kung saan nakilahok ang iba’t ibang media organizations sa iba’t ibang panig ng mundo upang gunitain at mag-alay ng panalangin. Kabilang na ang “moment of silence” na isinagawa ng KBP member stations. Nagdeklara rin ang Pangulong Noynoy Aquino sa araw na ito bilang “Day of Remembrance.” Isang interfaith rally ang kabilang sa programa sa massacre site at pinasinayaan din ang marker sa lugar ng pinangyarihan ng malagim na krimen.

November 23, 2010 - Posted by | Exclusive, National, Unusual

2 Comments »

  1. dapat sa mga ampatuan gilitan ng leeg eh. Wla kcng batas ng islam d2 sa pinas e. Kung pa2kingan lng sana ng presidente ung mga kapatid ko na nki2pag laban sa mindanao mgkaron lng ng sariling gubyeno ng islam d2. Nagilitan na yang mga ampatuan na yan..

    Comment by muhammad ibrahim sultan | December 8, 2011 | Reply

  2. ung mga ampatuan na yan tama lang yan dapat sa mga animal na iyan pugutan na ng ulo sa libo libo na pinapatay ng mga iyan. Sa dami ng mga napatay ng mga iyan blaid dapat gamitin png patay sa mga gagong ampatuan na yan eh.

    Comment by muhammad ibrahim sultan | December 17, 2011 | Reply


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: