DENNIS JAMITO

Just another WordPress.com weblog

2010 year-end report

Mga pangyayaring tinutukan ni Bombo Dennis Jamito sa taong 2010

Sino ba ang makakalimot ng mahahalagang pangyayari sa 2010? Ito kasi ang taon kung kailan naisakatuparan ang kauna-unahang nationwide automaated elections…

 “Our land and our people have already suffered so much, and we believed that only You oh Lord can bring about relief and change in our situation. We pray oh God, that by Your divine intervention, we will have honest, orderly and peaceful elections on May 10, 2010…”

——Comelec Chairman Jose Melo’s prayer for the 2010 polls


Pero bago ‘yan, magbalik-tanaw tayo sa mga mahahalagang tala ng kasaysaayan na tinutukan ng inyong Bombo Radyo correspondent…Ako po si Bombo Dennis Jamito at ito ang aking mga binantayang balita ngayong 2010…
Enero 1, 2010

Pito ang patay samantalang umaabot sa 597 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok sa pagsalubong ng bagong taon sa buong bansa.

Ipinagmalaki ito ni Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque III dahil mas mababa umano ito sa bilang na natukoy noong pagpasok ng taong 2009.

Pero, bagama’t bumaba ang bilang ng mga biktima ng paputok, tumaas naman ang mga naitalang tinamaan ng stray bullets na umabot sa 26 mula sa dating 17.

“This is the fourth lowest number of firework-related injuries recor­ded in the country in the annual Iwas Paputok surveillance in the past decade,” pahayag ni Duque sa panayam ng Bombo Radyo.

Enero 3, 2010

Umani ng batikos mula sa tanggapan ni acting Justice Secretary Agnes Devanadera ang ulat na tumatanggap ng VIP treatment ang mga miyembro ng pamilya Ampatuan na nahaharap sa 57 kaso ng pagpatay dahil sa Maguindanao massacre.

Ang usapin ay umigting matapos mapa-ulat sa Bombo Radyo ang paminsan-minsang paglabas ng piitan ng ilang suspek sa CIDG detention cell sa General Santos City.

Enero 5, 2010

Naglabas ng “not guilty plea” si Datu Unsay mayor Andal Ampatuan Jr., kaugnay ng 41 bilang ng kasong pagpatay na nakahain sa Quezon City RTC Branch 221 sa sala ni Judge Jocelyn Solis-Reyes na dinirinig naman sa loob ng Camp Crame sa lungsod ng Quezon.

Enero 7, 2010

Kinasuhan ng Department of Justice (DoJ) ng dalawang bilang ng murder charges si Sen. Panfilo Lacson kaugnay ng kasong pagpatay kina PR man Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong taong 2000.

Pinagbatayan ng DoJ ang affidavit ng dating tauhan ni Lacson na si dating S/Supt. Cesar Mancao.

Enero 9, 2010

Patay ang dalawa katao, habang mahigit 500 ang nasaktan kasabay ng taunang prosisyon ng Nazareno de Quiapo.

Ang isa sa mga nasawi ay inatake sa puso habang ang ikalawa ay nabagok ang ulo dahil sa pakikipagsiksikan.

Enero 10, 2010

Arestado ang tatlong pulis, isang sundalo, isang jail warden at isang prison guard matapos mapabilang ang mga ito sa 18 kataong buena-mano na mga nahuli sa pagsisimula ng implimentasyon ng election gun ban na ipatupad ng Commission on Elections (Comelec).

Enero 13, 2010

Nilagdaan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang P1.541 trillion national budget para sa 2010.

Enero 18, 2010

Nakipagbarilan pa bago tuluyang naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang road rage suspect na si Jason Ivler sa mismong bahay ng kanyang ina sa Blue Ridge Subd., Quezon City.

Si Ivler ang itinuturong responsible sa pagkakapatay sa anak ni dating Usec. Renato Ebarle na si Renato Victor Ebarle Jr.

Dahil sa insidente, sugatan ding isinugod sa ospital sina Atty. Anton Magno at Anna Labao na kasama sa raiding unit ng NBI.

Enero 25, 2010

Luzon, tinamaan ng rotating brownout dahil sa kakulangan ng tubig sa mga dam.

Paliwanag ng mga eksperto, ang kakulangan ng tubig ay bunsod ng madalang na pagbuhos ng ulan sa ating bansa.

Pebrero 1, 2010

Lumutang ang isyung maaaring masabotahe ang kauna-unahang automated election sa Pilipinas sa pamamagitan lang ng cellphone jammer.

Ang precinct count optical scan (PCOS) kasi ng Smartmatic ay gagamit lamang ng compact flash (CF) card para sa pagpapadala ng datos na resulta naman ng halalan.

Pebrero 5, 2010

Nagpalabas ng warrant of arrest laban kay Sen. Panfilo Lacson si Manila Regional Trial Court Judge Myra Garcia-Fernandez ng Branch 18 kaugnay kasong double murder matapos idiin sa pagkakapatay kina dating PR man Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong 2000.

Walang inirekomendang pyansa ang korte kaugnay sa nasabing madamiento de aresto.

Pebrero 6, 2010

Kabi-kabilang problema ang naitala sa isinagawang mock polls ng Commission on Elections (Comelec), gamit ang PCOS machines ng Smartmatic.

Ilan sa mga balota ay hindi binasa, ilan sa mga makina ay hindi gumana habang ang ibang lugar naman ay nagka-problema sa data transmission.

Pebrero 9, 2010

Inilatag sa Luneta, Manila ang pinakamalaking bandila ng Pilipinas na may sukat na dalawang ektarya.

Nanguna dito ang mga tagasuporta ng presidential candidate na si Eddie Villanueva.

Pebrero 10, 2010

Tinanggalan ng lisensiya bilang doctor Professional Regulation Commission (PRC) si Hayden Kho Jr., matapos masangkot sa sex video scandal kasama ang ilang kababaihan na pawang taga-showbiz.

Ito ay matapos ihayag ng PRC-Board of Medicine na walang merito ang isinumiteng apela ni Kho kaugnay sa naunang desisyon na tanggalan siya ng lisensiya matapos mapatunayang guilty sa immorality at dishonorable at unethical conduct.

Pebrero 17, 2010

Iniharap ng NBI sa kauna-unahang pagkakataon si Jason Aguilar Ivler sa Quezon City Regional Trial Court Branch 76 sa sala ni Judge Alexander Balut kung saan ito binasahan ito ng sakdal at nagpasok ng ‘not guilty plea,’ kaugnay sa pagkakapatay kay Renato Ebarle Jr.

Pebrero 25, 2010

Unang natapos ang ballot printing na laan para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Ginawa ang pag-imprenta sa National Printing Office (NPO), sa ilalim ng paggabay ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, inuna nila ang 1.5 milyong balota ng ARMM dahil malayo ito at posibleng maantala ang delivery.

Pebrero 28, 2010

Pinatay ng mga suspek na naka-motor ang jueteng whistle-blower na si Wilfredo “Boy” Mayor sa Pasay City.

Si Mayor ay minsan na ring humarap sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa illegal numbers game.

Marso 9, 2010

Pinigilan Supreme Court (SC) sa pamamagitan ng status quo ante order ang writ of execution na ipinalabas ng Commission on Elections (Comelec) na nagpapa-alis kay Bulacan Gov. Joselito “Jonjon” Mendoza para mailagay ang umano’y nagwaging si dating DAR Sec. Obet Pagdanganan.

Ipinaliwanag ni SC Spokesman Atty. Midas Marquez na nagdesisyon ang mga mahistrado batay sa merito ng kaso at upang mabalik ang kaayusan at maiwasan ang tensyon sa Bulacan.

Marso 14, 2010

Naitalang muli ang zero crime sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa kabuuan ng laban ni Pinoy ring icon Manny Pacquiao laban kay Joshua Clottey ng Ghana.

Marso 17, 2010

Kinatigan ng Supreme Court (SC) ang karapatan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na magtalaga ng susunod na chief justice ng Korte Suprema.

Sa special en banc session ay nagdesisyon ang mga mahistrado na maaaring magtalaga si Arroyo ng magiging kapalit ni Chief Justice Reynato Puno dahil hindi umano sakop ng appointment ban ng halalan ang hudikatura.

Sa botong 9-1-2-3 ay itinakda ng mga mahistrado na legal at naaayon sa batas ang paghirang ng presidente ng susunod na punong mahistrado.

Marso 25, 2010

Niyanig ng malakas na lindol ang ilang lugar sa Metro Manila at karatig na lalawigan.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang magnitude 6.0 na lindol dakong ala-1:29 ng hapon na natukoy ang sentro na nasa 100 kilometro hilagang kanluran ng Mamburao, Occidental Mindoro.

Abril 7, 2010

Dinala na sa Quezon City Jail (QCJ) ang suspek sa pagpatay kay Renato Ebarle jr., na si Jason Ivler, makaraang ipag-utos ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC).

Si Ivler ay nanatili sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) matapos magtamo ng tama ng bala sa tiyan dahil sa pakikipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI).

April 10, 2010

Naging matamlay ang unang araw ng Overseas Absentee Voting (AOV) sa Hong Kong, Singapore at iba pang mga bansang may mga naninirahan at nagtatrabahong Pinoy.

Sa kabila nito, binalewala lamang ng Comelec ang mahinang turnout ng mga botante dahil isang buwan naman ang itatagal ng OAV.

Abril 14, 2010

Nagulantang si Judge Silvino Pampilo Jr., presiding judge ng Manila Regional Trial Court Branch 26, matapos pasabugan ang kaniyang kotse habang nakaparada sa kanilang bahay sa Taytay, Rizal.

Si Pampilo ang hukom na may hawak sa mga kaso laban sa malalaking oil companies at iba pang mga kontrobersyal na usapin.

Abril 21, 2010

Pinigil ng supreme Court (SC) ang pagdedeklara sa Nacionalista Party at Nationalist People’s Coalition (NP-NPC) bilang dominant minority party sa kabila ng deklarasyon ng Commission on Elections (Comelec) matapos magpalabas ito ng status quo ante order.

Sa pamamagitan ng status quo ante order ay ibabalik sa dati ang sitwasyon hanggang sa hindi nareresolba ang petisyon na una nang inihain sa SC ng Liberal Party (LP).

Ang sinumang maidedeklarang dominant minority party ay magkakaroon ng karapatang magkaroon ng isang kopya ng election returns.

Abril 23, 2010

Inatasan ng Supreme Court (SC) ang National Bureau of Investigation (NBI) na hanapin at isumite sa University of the Philippines-Natural Science Research Institute ang semen specimen na nakuha sa biktimang si Carmela Vizconde at isailalim sa DNA testing, kasunod ng hirit ng akusadong si Hubert Webb.

Pero sa huli, inamin ng NBI na wala na ito sa kanila dahil hawak na ito ng Paranaque RTC.

Giit naman ng mababang hukuman, hindi pa nakakarating sa kanila ang naturang mga ebidensiya.

Abril 26, 2010

Sinimulan na ng Department of Health (DoH) ang pagbibigay ng bakuna sa sakit na A(H1N1) na sinasabing nakamamatay para sa mga may dati ng karamdaman.

Unang binigyan ng gamot ang mga health workers.

Ang bakuna ay nagmula sa pondong laan ng pamahalaan para sa DoH.
Mayo 7, 2010

Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang tatlong petisyon na naglalayong gawing manu-mano ang eleksyon at ipagpaliban ito ng 15 araw.

Dahil dito, wala na umanong legal na balakid para sa kauna-unahang automated elections sa ating bansa.

Mayo 10, 2010

Sari-saring problema ang natuklasan sa pagdaraos ng nationwide automated polls.

At dahil sa haba ng pila ng mga botante at ilang aberya ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines, hinabaan ng Commission on Elections (Comelec) ng isang oras ang botohan hanggang alas-7:00 ng gabi.

Mayo 12, 2010

Naungusan na ng resulta mula sa Parish Pastoral Council for Res­ponsible Voting (PPCRV) ang bilang ng boto na nai-uulat ng Comelec.

Ang Bombo Radyo ay magdamag pa ring nagbabantay sa pagpasok ng boto mula sa 76,457 cluster polling precincts.
Mayo 13, 2010

Naging kontrobersyal ang bahay ng isang technician sa Sitio Tanag, Bgy. San Jose, Antipolo City matapos natagpuan dito ang 67 PCOS machines.

Agad nagpa-imbestiga ang Comelec.
Mayo 15, 2010

Nanumpa sa araw na ito sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City ang ilang senador na nahalal sa kauna-unahang nationwide automated elections.

Binigyan ng Comelec proclamation certificate sinaSenators Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile, Pia Cayetano, Ralph Recto at Vicente ‘Tito’ Sotto III.

Mayo 17, 2010

Nanumpa harap ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Justice Renato Corona bilang bagong punong mahistrado ng kataas-taasang hukuman na kahalili naman ni retired Chief Justice Reynato Puno.

May 19, 2010

Nagtala ang Pagasa ng pinakamainit na temperature para sa taong 2010, matapos pumalo ang init ng panahon sa Metro Manila sa 37.5 degrees Celsius

Mayo 20, 2010

Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na walang discrepancies o bahid ng hinalang manipulasyon sa ginawang Random Manual Audit (RMA) sa mga balotang binilang ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines na ipinadala sa canvassing server.

Mayo 21, 2010

Pinaimbestigahan ng Commission on Elections (Comelec) at Department of Justice (DoJ) ang pagkakaroon ni Quezon City Rep. Annie Rosa Susano ng mga compact flash (CF) cards ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine.

Hunyo 3, 2010

Hiniling ng kampo ni Sen. Mar Roxas sa Comelec na bilangin ang “null votes” o mga botong nasayang dahil hindi kinilala ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines.

Sinasabing 1.3 milyon ang naitalang null votes mula sa mahigit 22 milyong boto na na-canvass ng National Board of Canvassers (NBOC).

Hunyo 4, 2010

Nabigo ang mababang kapulungan ng Kongreso na ipasa ang Freedom of Information (FOI) bill sa huling araw ng kanilang sesyon dahil sa kakulangan ng quorum.

Umaabot lang kasi sa 128 na House members ang dumalo, kung saan kulang ito ng pito para mabuo ang 135 warm bodies, para pagbotohan ang panukalang batas.

Ang Kamara ay may 268 House members.

Hunyo 9, 2010

Pormal na prinoklama si Senador Benigno “Noynoy” Aquino III nina Senate President Juan Ponce Enrile at House Speaker Prospero Nograles sa joint session ng Kamara at Senado sa Batasang Pambansa sa Quezon City bilang pang-15 presidente ng Pilipinas.

Bukod kay Aquino, proklamado na rin si dating Makati mayor Jejomar Binay bilang bagong Bise Presidente n gating bansa.

Hunyo 22, 2010

Nagpalabas na ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay dating National Econo­mic Development Autho­rity (NEDA) director ge­neral at ngayo’y Social Secu­rity System (SSS) president Romulo Neri kaugnay ng kontrobersyal na NBN-ZTE deal.

Hunyo 25, 2010

Bagama’t isang buwan pa bago ang pagsisimula ng trabaho ng 15th Congress sa Hulyo 26, halos buo na ang mga committee sa Kamara na pangungunahan ng mga kaalyado ni incoming president Benigno “Noynoy” Aquino III, habang ang House speakership naman ay sinasabing mapupunta kay QC Rep. Sonny Belmonte.

Hunyo 30, 2010

Nanumpa na ang bagong president ng Pilipinas.

CJ Corona, presente sa inagurasyon.

Hulyo 8, 2010

Sinabi ni Justice Sec. Leila de Lima na may ilang surrender feelers silang natatanggap mula sa kampo ng puganteng si Sen. Panfilo Lacson.

Hulyo 9, 2010

Bilang ng nakahaing panukalang batas bago ang regular na sesyon ng kamara, pumapalo na ng halos 2,000 ayon sa House Secretary General Marilyn Yap.
Hulyo 12, 2010

Inaksyunan ng Supreme Court (SC) ang election protest ni dating Sen. Mar Roxas at inatasan si Vice President Jejomar Binay na maghain ng kaniyang komento sa loob ng 10 araw.

Hulyo 13, 2010

Todo sa paghahanda ang mga otoridad matapos mamataan ang papalapit na bagyong Basyang sa silangan ng Pilipinas

Hulyo 14, 2010

Umaabot na sa 20 katao ang iniulat na nasawi at 60 ang nawala sa pananalasa ng bagyong ‘Basyang’ sa bansa kasama na ang Metro Manila.

Umabot sa 31 lugar sa bansa ang labis na naapektuhan ng bagyo.

Hulyo 15, 2010

Buena manong kinasuhan si William Villarica, may-ari ng W. Villarica Pawnshop sa pinaigting na tax campaign ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
 
Isinampa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kaso sa Department of Justice (DOJ).

Hulyo 20, 2010

Pumabor ang desisyon Commission on Elections (Comelec) en banc sa pag-upo ni dating Pampanga Rep. Mikey Arroyo bilang kinatawan ng Ang Galing Pinoy (AGP) party list na grupo umano ng mga security guards at tricycle drivers.

Hulyo 23, 2010

Sinampahan ng impeachment complaint si Ombudsman Merceditas Gutierrez sa Kamara, kung saan tumayong complainant si dating B/Gen. Danilo Lim at iba pa nitong kasamahan.

Hulyo 25, 2010

Inaresto si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson sa Hong Kong dahil sa pagdadala ng ipinagbabawal na gamot.

Hulyo 26, 2010

Unang SONA ni pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at hudyat ng pagsisimula ng 15th Congress.

Agosto 2, 2010

Nagbanta ang minorya ng Kamara na kanilang haharangin sa Korte Suprema ang pag-iral ng Truth Commission, ang investigating body na mag-iimbestiga umano laban kay dating pangulo at ngayon ay Pampanga rep. Gloria Arroyo.

Agosto 10, 2010

Naging kontrobersyal sa Kamara ang Bombo Radyo website matapos iulat dito ang maling datos ng edad ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao, kung saan 68 anyos na umano ito sa halip na 32; at iba rin ang pangalan ng asawang nakalagay sa record ng Kongreso, dahil sa halip na Jinkee Jamora ay Elizabeth Salvacion ang nakatala rito.

Sinubukan pa ng ilang tauhan ng Kamara na pabulaanan ang ulat ngunit agad namang naglabas ng mga ebidensiya ang Bombo Radyo na naging tampok pang paksa sa ilang radyo at telebisyon.

Dito ay muling napatunayan ang tamang paraan ng Bombo Radyo sa paglikom ng mga impormasyon.

Agosto 13, 2010

Naghain ng reklamo ang minorya ng Kamara sa Korte Suprema para ideklarang unconstitutional ang binuong Truth Commission ng Aquino administration.

Sa 55-pahinang petition for Certiorari and Prohibition na isinumite nina House Minority Leader Edcel Lagman, Rep. Rodolfo Albano Jr., Simeon Datumanong at Orlando Fua Sr., sinabi ng mga ito na ang pagbuo ng TC ay maituturing na discriminatory dahil sa ang mandato nito ay imbestigahan lamang ang mga opisyal ng nakaraang administrasyon at ito ay labag sa equal protection clause batay sa 1987 Constitution.

Agosto 14, 2010

Hiniling ni Rep. Manny Pacquiao kay House Speaker Sonny Belmonte na payagan siyang mag-ensayo sa loob ng Batasan Complex para makadalo pa rin sa mga regular na sesyon ng Kamara.

Agosto 18, 2010

Ipinagmalaki ng Comelec na handa na sila sa October 25 Barangay at SK polls.

Ginawa ito ni Chairman Jose Melo sa harap ng mga kongresista kaugnay sa pagtalakay sa pondo ng Comelec na bahagi ng 2011 National Budget.

Agosto 19, 2010

Pansamantalang nakalaya si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson sa pamamagitan ng piyansa sa drug case na kinakaharap nito sa Hong Kong subalit hindi maaaring umuwi ng Pilipinas.

Personal pang nagtungo sa HK si Marikina Rep. Miro Quimbo para sumaksi sa preliminary investigation sa drug case ni Singson sa majestrate court sa Kowloon District sa Hong Kong.

Agosto 23, 2010

Naging madugo ang pagwawakas ng 11 oras na hostage crisis sa Luneta, Maynila na kinasasangkutan ng sinibak na pulis na si Rolando Mendoza at walong turista mula sa Hong Kong.

Agosto 27, 2010

Upang makatulong sa panawagan ng Malacanang na magtipid, babawasan na umano ng Kamara ang kanilang mga foreign trips batay sa pagtitiyak ni House Speaker Sonny Belmonte.

Agosto 28, 2010

Inihatid na sa kaniyang huling hantungan ang hostagetaker na si Rolando Mendoza sa kanilang lalawigan sa Batangas.

Setyembre 3, 2010

Sinimulan ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) ang imbestigasyon hinggil sa hostage crisis na naganap noong Agosto 23 na ikinasawi ng walong HK tourists.

Unang isinalang ng panel na binubuo nina Justice Sec. Leila de Lima, Interior Sec. Jesse Robredo, KBP Pres. Herman Basbano, IBP Gov. Roan Libarios at Fil-Chinese Rep. Teresita Ang-See si Interior and Local Government Usec. Rico Puno, kung saan inamin nito nakulang ang kaniyang kaalaman sa paghawak ng hostage situation.

Setyembre 4, 2010

Naungkat sa IIRC probe ang umano’y panghihingi ng P150,000 ng isang opisyal ng Ombudsman kaya nagwala sag alit at nang-hostage ang nasibak na pulis na si Rolando Mendoza.

Setyembre 5, 2010

Sinimulan ang 2010 Bar examinations kung saan 5,012 law graduates ang kumuha ng pagsusulit batay sa record ng Korte Suprema.

Ang bar exam ay isinasagawa sa apat na linggo ng buwan ng Setyembre sa De La Salle University sa Taft Avenue, Maynila.

Si SC Associate Justice Conchita Carpio-Morales ang itinalang chairperson ng 2010 Bar Examination Committee.

Setyembre 6, 2010

Sa pagpapatuloy ng IIRC probe, inamin ng umaktong negosyador na si Supt. Orlando Yebra na walang umiiral na walang hostage negotiator team ang PNP.

Setyembre 7, 2010

Idineklara ng House Committee on Justice na sufficient in form and substance ang dalawang impeachment case na isinampa ng mga progresibong grupo laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Setyembre 13, 2010

Nagpasaklolo si Ombudsman Merceditas Gutierrez sa Supreme Court (SC) at hiniling nito na magpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) upang mapigilan ang Kongreso na isulong ang impeachment proceedings laban sa kaniya.

Setyembre 14, 2010

Nakakuha ng kaalyado si Ombudsman Merceditas Gutierrez sa Korte Suprema matapos magpalabas ito ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa Kongreso na pansamantalang pumipigil sa isinasagawa nitong impeachment proceedings laban sa pinuno ng Tanod Bayan.

Setyembre 17, 2010

Natapos at naisumite na ang IIRC report kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ayon kay Justice Sec. Leila de Lima.

Dito ay inirekomindang kasuhan ang 13 indibidwal, kabilang na ang ground commander na si MPD head C/Supt. Rodolfo Magtibay.

Setyembre 28, 2010

Nagpasya ang House Justice Committee na ituloy ang impeachment proceedings laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez sa kabila ng ipinalabas na status quo ante order ng Korte Suprema.

Oktubre 6, 2010

Bahagyang nagka-initan sa Kamara matapos agaw eksena sa kaniyang talumpati si Cebu Rep. Pablo Garcia at pinasuspinde ang deliberasyon ng national budget na nagkakahalaga ng P1.645 trillion dahil 7.7 percent lamang dito ang makukuha ng Visayas region na hindi pa umano umabot sa kalahati ng 16.3 percent na para sa Luzon.

Oktubre 12, 2010

DoJ Sec. Leila de Lima, inaming pumasok sa isip niya ang pagbibitiw sa pwesto dahil sa mistulang pagkakabalewala ng kanilang IIRC recommendation.

Oktubre 13, 2010

Pinigilan ng Supreme Court (SC) ang inilabas na Executive Order No. 2 ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na nagpapawalang bisa sa mga midnight appointments na ginawa ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa bisa ng status quo ante order, ipinatitigil ng korte ang pagpapatalsik sa mga inilagay ng Arroyo administration sa pwesto bago naupo si Pangulong Aquino.

Oktubre 18, 2010

Bagyong Juan, naglandfall sa Northern Luzon kung saan 10 ang iniwang patay at bilyong halaga ng istraktura at ari-arian ang napinsala.

Oktubre 21, 2010

Kinasuhan ng BIR ng 66 bilang ng tax evasion sa DoJ si national artist at film director Carlo J. Caparas.

Oktubre 25, 2010

Sa kabila ng tambak na problema sa delivery ng mga election materials, itinuloy ang Barangay at SK elections.

Dahil sa patung-patong na aberya, muling isinalang ang mga opisyal ng Comelec sa Congressional inquiry ng Kamara.

Oktubre 28, 2010

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DoJ) ng multiple frustrated at attempted murder ang Alpha Phi Omega (APO) member na si Anthony Nepomuceno dahil sa nangyaring bar exam blast sa De La Salle University (DLSU) noong Setyembre 26, 2010, kung saan halos 50 ang nasaktan at naputulan pa ng paa ang law student na si Raissa Laurel.

Nobyembre 5, 2010

Kinasuhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) si dating Social Security System (SSS) President Romulo Neri dahil sa hindi pagdedeklara ng tamang income tax return.

Sinasabing P18.2 million ang hindi binayaran ni Neri noong siya ay nasa pwesto pa ng Arroyo administration.

Nobyembre 22, 2010

Binigyan ng red carpet welcome at ginawaran ng Congressional medal of distinction award si Pinoy boxing superstar at Srangani Rep. Manny Pacquiao sa kaniyang pagbabalik sa Kamara.

Nagpatak-patak pa ng tig P1,000 ang mga kasamahan nitong mambabatas para sa salu-salo at pagdiriwang ng tagumpay ng kasamahang kongresista at boksingerong si Pacquiao.

Nobyembre 24, 2010

Tinanggap ng Comelec en banc ang resignation letter ni Chairman Jose Melon a epektibo sa Enero 2011

Nobyembre 26, 2010

Dahil sa kabi-kabilang debate sa Reproductive Health bill, inamin ng Kamara na sa susunod na taon na ito matatalakay sapagkat kapos na sila sa panahon.

Nobyembre 30, 2010

Pinalaya sa New Bilibid Prison (NBP) si Gerardo Biong, ang pulis na sinasabing nagsunog ng mga ebidensiya sa Vizconde massacre case.

Si Biong ay nakulong ng mahigit 10 taon dahil sa kasong accessory to the crime.

Disyembre 1, 2010

Nakalusot na sa Kamara ang amended Proclamation 75 na nagpapatibay sa inilabas ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na amnestiya sa mga sundalong sangkot sa serye ng pag-aklas laban sa nakaraang administrasyon.

Nangunguna sa listahan ng mabibiyayaan si Sen. Antonio Trillanes.

Disyembre 7, 2010

Idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Executive Order No. 1 o ang pagbuo ng Truth Commission na mag-iimbestiga sana sa mga kontrobersiya ng nakaraang administrasyon.

Sa botong 10-5, ibinasura ng kataas-taasang hukuman ang investigating body na pinamumunuan ng dati ring punong mahistrado na si Hilario Davide.

Disyembre 9, 2010

Inamin ng ilang opisyal ng Kamara na ilang kongresista at mga civil society groups ang nagluluto ng impeachment complaint laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice (CJ) Renato Corona at iba mahistrado dahil sa pagkakabasura ng EO No. 1.

Disyembre 13, 2010

Naghain ang DoJ ng motion to withdraw information sa Rizal RTC kaugnay sa kaso ng Morong 43, nangangahulugan na possible nang makalaya ang mga health workers kapag naayos na ang mga kinakailangang dokumento.

Disyembre 14, 2010

Tuluyan nang nakalaya ang pitong suspek sa Vizconde massacre, matapos sabihin ng Supreme Court (SC) na nabigo ang panig ng prosekusyon na patunayan ang mga alegasyon laban sa mga akusado.

Sa botong 7-4-4, tuluyang inabswelto sina Hubert Webb at anim pa nitong kasama, makaraan ang may 15 taong pag­kabilanggo.

Disyembre 15, 2010

Sinabi ni Justice Sec. Leila de Lima na kanilang muling bubuksan ang vizconde massacre case upang tingnan ang mga naging pagkukulang ng prosekusyon at mahanap ang mga tunay na salarin.

Disyembre 14, 2010

Maagang nagdeklara ng holiday break ang Kamara, taliwas sa unang plano na Disyembre 17 magtatapos ang kanilang regular na trabaho sa Kongreso.

December 25, 2010 - Posted by | Exclusive, National

4 Comments »

  1. good job kuya Denz…. galing talaga….

    Comment by Jessa | December 26, 2010 | Reply

    • thanks! ‘di ko na naisama ‘yung ibang detalye, masyado na kasing hahaba.

      Comment by dennis | January 9, 2011 | Reply

  2. ..=)..thanks..this will help a lot sa assignment ko..hehe

    Comment by mary joy | January 9, 2011 | Reply

    • really? that’s great! actually, hindi ko na po isinama dyan ung mga nangyari sa malacanang, senado, showbiz at international dahil hindi ko na un area.. pero ung mga basic part ng 2010 news ay nandyan na rin. kung gusto n’yo pwede naman kayong magtanong kung may kailangan pa kayong ibang data tungkol dyan. salamat po!

      Comment by dennis | January 9, 2011 | Reply


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: