DENNIS JAMITO

Just another WordPress.com weblog

Azkals ‘fever’ sa laban vs Sri Lanka

Inaasahan na ang matinding sikip ng daloy ng trapiko sa paligid ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC), Manila, kaya patuloy ang paalala ng Phil. Sports Commision (PSC) at Phil. Football Federation (PFF) na kung maaari iwasan na ang lugar lalo na ngayong araw.

Kahapon pa ay sarado ang isang lane ng M. Adriatico St., sa harapan ng stadium bilang paghahanda sa pagbuhos ng mahigit sa 12,000 mga fans na manonood sa preliminary competition  ng Asian Zone Round 1 leg 2 ng FIFA World Cup qualifiers sa pagitan ng Philippine Team Azkals at national team ng Sri Lanka.

Asahan na rin ang masikip na daloy ng trapiko sa  kahabaan ng Pablo Ocampo (Vito Cruz).

Kaya naman kung may mga sasakyan man ay magiging malayo na ang parking area, habang mas mabuti rin aniya na sumakay na lamang ang iba ng LRT patungo sa venue.

Maaga pa ay naghigpit na rin ang seguridad sa paligid ng football field at labas, habang meron ring naka-standby na security marshalls at bouncers.

Makikita rin sa area ang ilang firetruck, ambulances at ilang medical personnel na aasiste.

Inaasahang humigit kumulang sa 2,000 mga pulis ang ilalagay sa paligid ng stadium, liban pa sa contingent ng Presidential Security Group (PSG).

May ilan din kasing diplomat ang inaasahang manonood sa laban.

Nasa bansa na rin ang ilang football officials ng Kuwait na siyang susunod na makakalaban kung sinuman ang manalo sa laro bukas.

Ang official referee sa laro mamaya ay isang taga-Bangladesh at sasamahan ng mga FIFA officials mula sa South Korea at Pakistan.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay Albert Almendralejo, executive assistant ng PSC at coordinator sa Team Azkals, pinayuhan nito ang mga manonood na merong mga patakaran na ipinagbabawal sa loob ng stadium.

Kabilang aniya rito na bawal ang pagdadala ng bottled water, payong, camera, pagkain dahil meron naman aniyang mabibili sa loob ng stadium, pointed objects, laser, belts, at iba pa.

May dalawang bagay din na kailanganan ng waiver, ang mga buntis na manonood at 12-anyos na bata ay kailangang pumirma muna sa entrance gate bago pumasok.

Nakahanda na rin ang 400 mga Kaholeros bitbit ang kakaibang tambol na katumbas ng tig-iisang gallon ng plastic water can na magsisilbing “booster squad” para mag-cheer sa Azkals.

Kahapon sa practice game ng Azkals ay pinayagan ang ilang mga kabataan na mula sa orphanages sa Metro Manila na makita ang team.
Nagkaroon din ng ilang minutong photo opportunity ang mga photographer at TV crews sa national team.
Dakong alas-3:00 kahapon ay nagkaroon din ng practice sa pitch ang Sri Lankan players.

Samantala, bilib na bilib naman ang players ng Azkals sa pitch sa RMSC.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa team captain ng Azkals na si Alexander “Ally” Borromeo, sinabi nito na 10 beses na maganda ang pitch kumpara sa pinaglaruan nila sa Sri Lanka na matigas kung saan nagtabla ang kanilang laban sa score na 1-1.

Ang 80-anyos na taon na ring RMSC ay pinaganda ng husto, kung saan bago ang mga upuan, pintura, bermuda grass at ang mga ilaw na pasado sa international standard na nagkaroon muli ng last minute dry run kahapon.

Kung maaalala 20 taon na ang nakakaraan ay ginamit din ang RMSC bilang venue ng Southeast Asian Games (SEAG) kung saan ang Pilipinas ang nag-host.

Ayon pa kay Borromeo, 110 percent na ibubuhos nila ng husto ang kanilang performance para naman hindi mapahiya sa harap ng mga kababayan.

Kuwento pa ng leader ng Azkals, wala naman silang masyadong adjustment kundi gamitin lamang ang kanilang mga training at practice session kamakailan sa Germany.

Para naman kay coach Hans Michael Weiss, wala rin silang pressure na nararamdaman lalo na at lamang sila sa aggregate score.

Kahit magtabla lamang sa 0-0 ay pasok na sa next stage ang Azkals at lalaban sa Kuwait.

Sinabi naman sa Bombo Radyo ni Chieffy Caligdong, nag-meeting pa sila bago nagkaroon ng last practice sa Rizal stadium.

Iginiit ni dating national coach at ngayon ay Phil. Football Federation technical director Ariston Caslib, hindi naman masyadong adjustment ang dapat gawin ng Azkals, kundi ang cohesion lamang o teamwork lalo na at halos ang mga miyembro nito ay mula pa sa iba’t ibang dako ng mundo at galing sa high level ng laro.

Kasabay nito, ipinagmalaki rin ni Caslib na handang handa na ang stadium para sa laro at nanawagan ito na sana ay ‘wag palampasin ng mga fans dahil bibihira ang pagkakataon ito na mangyayari sa Pilipinas ang international game ng Azkals.

Si Caslib ay national coach mula noong 2004 hanggang 2008.

Ang Malacañang ay hangad din ang tagumpay ng Philippine Azkals sa kanilang laban mamaya.

Inihayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, umaasa silang ipapanalo ng Azkals ang laban lalo pa’t dito sa bansa gagawin ang second leg.

Ayon kay Valte, tunay na maipagmamalaki ang koponan ng Pilipinas na nagdadala ng karangalan, talo man o panalo.

“We wish them goodluck. We are proud of all them,” ani Valte sa Bombo Radyo.

Una rito, may forecast na uulanin ang laban ng Philippine Azkals at Sri Lanka ngayong araw dahil sa dalawang namataang low pressure area (LPA).

Ang unang namumuong sama ng panahon sa hilagang bahagi ng Puerto Princesa City na maaaring makaapekto ng husto sa Metro Manila at mga karatig na lugar

Namataan naman ang ikalawang namumuong sama ng panahon sa 810 kilometro sa silangan ng Mindanao.

Pero agad nilinaw ng Pagasa na mahina pa ang dalawang weather system ngunit magdadala pa rin ng mga pag-ulan sa dakong hapon at gabi.

Dahil dito, pinapayuhan ng weather bureau ang ating mga kababayang may balak lumabas na palaging magdala ng mga pangontra sa ulan, tulad ng payong at kapote, habang manatili namang alerto ang mga nasa mga low lying areas dahil sa posibilidad muli ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.

July 2, 2011 - Posted by | National, Sports, Unusual

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: