DENNIS JAMITO

Just another WordPress.com weblog

Prosekusyon, nakatikim ng lecture kay JPE

Hindi napigilan ni Senate President Juan Ponce Enrile na lekturan muli ang panig ng prosekusyon sa kanilang pagpresenta ng testigo sa ika-siyam na araw ng impeachment proceedings laban kay Chief Justice Renato Corona.

Napansin kasi ni Enrile bilang presiding officer na tila walang koordinasyon ang prosekusyon at testigo nitong si Noli Hernandez ang marketing director ng Megaworld Corporation na pinagbilhan ni Corona ng Bellagio condomium sa Taguig City dahil sa tila walang direksyon na pagtatanong sa sariling testigo at minsan ay mistulang ini-impeach pa.

Sa isang testigong hinarap ng prosekusyon kanya-kanyang tayo ang mga senador para sa clarifications.

At dahil sa usapin ng bilihan ng condominium ang pinag-uusapan, sinamantala na ni Senator-Judge Manny Villar ang pagkakataon bilang isang real estate developer at mistulang nag-lecture pa sa mga kasamahan na natural lamang na may discount na ibinibigay ang developer sa kliyente nito lalo na kung panahon ng krisis.

“Normally maraming flexibility po ang mga manager diyan. Wala sila iyong mga hanggang 10% ka lang, merong flexibility sila. Babanggitin ko po, siguro ito na lamang example ko ang aking contribution sa diskusyon na ito. Noong Disyembre po, sa mga nagbabasa po ng dyaryo at siguro milyun-milyon po ang nakabasa nito, isang malaking developer po ang nag-offer ng 40% discount to anybody, to everybody,” ayon kay Villar.

Si Senator-Judge Bongbong Marcos naman na hindi lawyer, tumayo rin para linawin kung ano ang kinalaman ng usapin sa presyuhan at diskwento ng biniling condo unit ni Corona sa Article II ng impeachment na tumutukoy sa hindi pagdeklara at pagsumite ng kanyang statements of assets, liabilities and net worth (SALN).

Dahil bitin si Marcos sa paliwanag ni House prosecutor at Rep. Elpidio Barzaga, tumayo na si administration Senator Franklin Drilon at sinabing mahalaga ang kinalaman ng presyuhan sa biniling ari-arian ni Corona dahil may kaugnayan ito sa kung tapat o hindi ang punong mahistrado sa pagdeklara ng kanyang SALN.

Si Senator-Judge Serge Osmeña naman ay hiniling sa impeachment court na ipasumite sa hukuman ng testigong si Hernandez ang dokumentong may kinalaman sa original price list ng Belagio condominium, kung may insurance claims sa napinsalang ari-arian, habang sinundan naman ni Senator-Judge Kiko Pangilinan na dapat isama ang engineer report.

“Now, that’s why we are asking for photos because in my experience, water damage is one of the least that can happen to your property as far as damage is concerned. Aside from paint,” wika ni Osmena sa testigong si Hernandez.

Si Senator-Judge Koko Pimentel naman pinayuhan ang prosekusyon na huwag nang ituloy ang balak nitong gamitin pa ang testigong inilaan para sa impeachment Article II sa Article III na tumutukoy sa umano’y flip flopping ng Korte Suprema dahil tiyak umanong sasablay ito.

Ayon pa kay Pimentel, nauubos ang panahon sa naturang usapin, gayong wala naman itong direktang kaugnayan sa tinatalakay na article of impeachment 2 o ang hindi umano paglalahad ng tamang SALN ni Corona.

“Payong kapatid lang sa prosecution. Let go of the issue of the acceptance of the discount. Hindi n’yo kami nakumbinsi sa relevancy ng discount,” wika ni Pimentel.

Pinagtibay naman ng testigo ang prosekusyon ang mga pahayag ng depensa na hindi humingi ng discount si Corona at sa halip ay kusa itong ipinagkaloob ng kompaniya dahil sa ilang depekto ng condominium unit.

Ani Hernandez, mula sa orihinal na presyong P24 million ay ibinaba nila ito sa P19.6 million dahil sa pinsalang dulot ng bagyo, partikular na ang water damage sa ilang bahagi ng unit.

Binaba pa umano ng karagdagang P5.1 million matapos namang magbayad si Corona sa loob lamang ng kulang sa isang taon.

Dahil dito, umaabot na lang sa P14 million ang halaga ng unit na angkop sa presyong binabanggit ng mga abogado ng punong mahistrado.

Hindi pa rin nakadalo si Senator-Judge Miriam Defensor-Santiago dahil nagpapahinga pa bunsod ng hindi normal na blood pressure.

January 31, 2012 - Posted by | Justice Issue, National, Unusual

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: