DENNIS JAMITO

Just another WordPress.com weblog

FULL TEXT: VP Binay speech

Mga minamahal kong kababayan, isang bukas na aklat ang aking buhay. Bata pa lamang ako ay humarap na ako sa maraming pagsubok.

Noong ako’y 9 na taong gulang, nagkaroon ng kanser ang aking ina. Dahil sa kakulangan ng pera, namatay siya na wala kaming magawa.

Ako ay naging ulila. Pinalaki ako ng aking tiyo na kapatid ng aking ama.

Kasama ko sa araw-araw ay ang mga kasambahay.

Nag-alaga ako ng baboy, namalengke, naglaba, namlantsa, at naglinis ng bahay at bakuran habang nag-aaral at nangangarap.

Natuto akong humarap sa hirap ng buhay.

Nagsumikap at nagpursigi ako upang malagpasan ang mga pagsubok na iniharap sa akin ng tadhana.

Nakaranas ako ng pananakit, panglalait at pangungutya. Ngunit hindi ito naging balakid.

Marami akong pwedeng tahaking landas, subalit pinili kong maging Human Rights Lawyer.

Kaysa magpayaman bilang abogado, pinili kong ipagtanggol ng libre ang mga mahihirap.

Marami akong natulungan – mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, mga karaniwang taong kagaya ko na walang masandalan.

Sa isang bagong demokrasya, dapat lahat ay pwedeng mangarap, dapat lahat ay pwedeng umasenso.

Sa Makati, lahat ng mamamayan ay tumatanggap ng pagkalinga mula sa isang pamahalaan na nakikinig at umuunawa sa kanila.

Ang aming programang pangkalusugan na Yellow Card – libreng gamot at pagpapa-ospital – ay huwaran sa buong bansa.

Ang aming pampublikong edukasyon ay libre mula sa elementarya hanggang high school at mababang halaga naman ang tuition para sa kolehiyo.

Libre pati pakain, libro, uniporme, modernong mga kagamitan – papasok na lamang ang mga kabataan ng Lungsod ng Makati na taas noo.

At ang aming senior citizens ay libre ang sine, birthday cake, gamot at may cash allowance pa.

Hayaan po ninyo na sa pagkakataong ito ay sagutin ko -punto por punto- ang mga ipinaparating nila sa akin:

Una: Ang bintang ng kanilang unang testigo na “overpriced” ang Makati City Hall Building 2 ay nakabatay lamang sa estima ng NSO.

Ngunit ang NSO mismo ang nagsabi na hindi tamang batayan ang kanilang estima. Ibig sabihin, ito ay hindi ebidensya.

Pangalawa: Ang bintang na ang bidding ng proyekto diumano ay niluto o rigged ay hubad na salita lamang dahil walang dokumentong ipinakita.

Pangatlo: Ang bintang na kumita raw ang mayor dahil umaming kumita ang Vice Mayor ay haka-haka lamang.

Ito ang tinatawag naming mga abogado na hearsay o sabi-sabi.

Pang-apat: Ang bintang na komisyon na diumanoy nakasilid pa sa malalaking bag ay sabi-sabi lamang ng dating Vice Mayor.

Gaya ng iba pang sinabi sa Senado, wala ring ipinakitang ebidensya.

Ano ba ang katotohanan sa Makati City Hall Building 2?

Una: Ang gusali ay ipinatayo sa loob ng limang taon at sa bawat taon ay hinahanapan ito ng konseho ng pondong gagastusin.

At sa bawat taon na matatapos ang isang bahagi ay dumadaan ito sa mahigpit na audit ng COA.

Pangalawa: Ang audit ng COA ay ginagawa taun-taon sa loob ng limang taon.

Bukod pa ito sa technical audit ng mga teknikal na eksperto- inhinyero, arkitekto, surbeyor, at mga ekspertong accountants.

Sa loob ng limang taon, sampung audit ang ginawa nila at wala silang nakita na anumang anomalya.

Pero ang ilang senador, konting basa ng Construction Handbook, konting kausap sa mga binayarang appraisers daw,

At isang pasyal lang sa building, may kongklusyon agad na overpricing.

Pangatlo: Ang kontratista ng gusali ay diretsong nagsabi na hindi ako humingi o binigyan ng suhol.

Pang-apat: Kung mayroon mang komisyon na sinasabing kinuha ang Vice Mayor, ito ay maliwanag na para sa kanya lamang.

Ang presyo ng Makati City Hall Building 2 ay P69,549.00 kada metro kwadrado (SQ. METER).

Ito ay mas mura sa presyo na P74,751.00 kada metro kwadrado ng Batasan Pambansa Annex Building,

At sa P105,000.00 kada metro kwadrado ng Iloilo Convention Center

Hindi ako bago sa pagsubok. Iyan ay hinaharap ko kahit noong ako ay bata pa lang. Humarap at patuloy akong humaharap sa mga pagsubok.

At sa tuwing may pagsubok, hindi ako umaatras. Ako ay laging lumalaban.

Ang laban na hinaharap ko ay hindi lamang laban para kay Jojo Binay. Ito ay laban para sa bayan. Ito ay laban para sa sambayanang Pilipino.

Ito ay laban para sa lahat ng Pilipino na natutulog sa kariton;

Sa mga pumapasok sa iskwela na walang notebook at libro o hindi man lang nakakain;

Sa mga piyon at karpintero na walang tahanan; sa mga magsasaka na walang sariling lupa.

Ito ay laban para sa ating mga kababayan na hindi pa nagiging kabahagi ng kasalukuyang pag-unlad ng ekonomiya.

Walang saysay ang pag-unlad ng ekonomiya kung marami ang nagugutom. Dapat may pagkain sa lamesa ng bawat Pilipino.

Dapat may diploma sa bawat dingding ng tahanan. Kulang ang pag-unlad kung marami ang walang trabaho.

Kailangang umabot sa karamihan, lalo na sa mga mahihirap, ang benepisyo ng pag-unlad.

Kasama ninyo ako sa pangarap ng bawat Pilipino. Bugbugin at laitin man tayo kaliwa’t-kanan, babangon tayo at lalaban.

Sa aking mga katunggali, i-aangat natin ang antas ng pamumulitika… Tigilan natin natin ang pagsisinungaling at paninira sa kapwa.

Humarap tayong lahat sa isang malinis at patas na halalan. Ipakita natin ang ating kakayahan at karanasan upang maging batayan ng taongbayan

Tungkulin ko na pangalagaan ang kapakanan ng ating mag manggagawa sa iba’t-ibang bansa.

Buong puso kong ibinibigay ang aking sarili para maisulong ang kanilang dignidad. Pinilit kong maging tulay sa kanilang pangangailangan.

Tungkulin ko ang pagpapabahay sa ating mga kababayan. Sa huling bilang, mayroong 100 milyong Pilipino na ang ating napaglingkuran.

Ang hamon sa ating pamahalaan, madagdagan pa ang bilang ng mga pamilya na may matatawag na sarili nilang tahanan.

Tungkulin ko rin ang pangangalaga sa PAG-IBIG fund. Naihinto namin ang pagsasamantala ng ilang devoloper sa pondong pinaghirapan ninyo,

at ngayon ay nagbibigay na ang PAG-IBIG ng napakaraming benepisyo sa milyun-milyong miyembro nito,

Kasama ang mga OFWs, kasambahay, mga drayber at mga nagtitinda sa kalye.

Mga kababayan, mga kapwa ko Pilipino; Sama-sama tayong lalaban sa kahirapan.

Sama-sama tayong lalaban sa pagdurusa na hinaharap natin araw-araw.

Sama-sama tayong lalaban sa takot na dulot ng kriminalidad, sama-sama tayong lalaban sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sama-sama tayong lalaban sa problema ng ating mga kabataan.

Walang atrasan. Lalaban tayo para gumanda at guminhawa ang buhay ng bawat Pilipino.

Sa aking mga katunggali, i-angat natin ang antas ng pamumulitika€¦ Tigilan natin ang pagsisinungaling at paninira sa kapwa.

September 18, 2014 - Posted by | National, Unusual | , , , , , ,

No comments yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: